Wednesday, September 9, 2009

Hindi ako makatulog

Nagkalat ang mga damit,medyas, brief, etc. kaya naman pala medyo masikip na ang kwarto ko at pinuputakti na ako ng lamok's (with s madami na kasi)
Konsensya: Tamad!
Inaamin kong tamad ako, paguwi ko galing ng opisina tinatapon ko nalang ang mga gamit ko, ganito na kasi nakaugalian ko nuon pa. Makailang beses ko na ito nais baguhin pero ilang araw lang epekto at automatic na bumabalik ako sa pagiging makalat. Natural na ata sa dugo ko ang pagiging makalat sa kwarto.
Konsensya: Tsk! Tsk! Tsk!
Kaya naman naisipan ko maglinis ng kwarto sa araw na ito. Sobrang dami na pala ng kalat ko at yung mga gamit na matagal ko nang hinahanap natagpuan ko na. Binago ko rin yung design ng kwarto ko, nilipat ko nang pwesto yung cabinet at kama ko para maiba naman ang aura at baka sakaling swertehin ako.
Konsensya: Hindi totoo yan
Medyo nakakapagod pero sa bandang huli e napakaganda ng resulta! astig maayos na ulit ang kwarto ko at ang sarap humiga at matulog... Kinagabihan parang tinatawag nko ng kwarto ko at matulog sa bago nyang kanlungan.
Konsensya: Matulog ka na dahil may pasok ka pa bukas! now na!
Nahiga ako sa kama, pero ilang minuto na ang nakakalipas parang di parin ako dinadapuan ng antok hanggang dumating ang madaling araw. Hindi ko tuloy alam kung bakit ba ako ganito ngayon. Marami akong suspect sa krimen na ito, una yung ininum
kong 3 basong tubig, kaya ihi ako nang ihi at di makatulog. Pangalawa ay yung kaibigan ko na 25years magreply
Konsensya: katext? kaibigan?
Bwiset ka kanina ka pa konsensya! blog ko 'to pakealamero ka wag kang pampam baka alisin kita dyan. At pangatlo yung bagong ayos na kwarto ko, inikot ko kasi yung kama ko.
Ang sakit tuloy ng ulo ko kinaumagahan, maaring nakatulog ako ng sandali pero gising ang diwa ko. Hindi ko maipaliwanag ng maayos kung ano nangyari ng gabing yun. Ayon naman sa kaibigan ko na nakausap sa chat
Konsensya: Kaibigan nanaman
Epal ka! ang sabi nya ay baka daw may ibang tao naman na nagiisip sa akin. Huwaw sabaw ganun ba yun? e sino naman yun? at parang awa nya patulugin nya ako. Kung sino ka man wag mo akong isipin wala kang mapapala.

Tuesday, September 1, 2009

Insekto Bedtime Story part II

Politiko ka ba? Wag kang madaya magbasa ka muna ng nakaraan
Part I
II
"Ilabas mo na yan..." bulong ni jobert sa sarili habang inaabangan ang pagtae ng pusa. lumingon sa likod ang pusa, tiningnan kung may makakakita sa gagawin nyang krimen. Ilang segundong umiri ang pusa at presto dumungaw na ang kapangyarihang inaantay ni jobert. Mabilis nyang dinambahan ang etchas habang hindi pa ito sumasayad sa lupa. Matagumpay nya itong nagawa habang ang pusa naman ay nabwiset dahil sa naputol na etchas. Pumikit ng sandali sa Jobert at humiling na gawin syang surot ng makapangyarihang etchas. "Kaboom" isang malakas na pagsabog. Naisip ni Jobert na isa na syang surot sa mga oras na iyon dahil sa pagsabog na narinig tulad sa mga pelikula ni Darnat at Kaptain Barbell na may sabog epek kapag magtratransform.

Mabilis syang nagpunta sa bahay ni Dingdong pero wala ito duon nasa shooting daw ang sabi ng napagtanungan nyang ipis sa loob ng bahay, kaya ang next target nya ay si Piolo. Pagdating sa bahay agad syang nagpunta sa upuan at inantay na maupo si Piolo. Ilang sandali pa at mukhang uupo na ito. "Heto na ang pagkakataon ko" sabik na sabik na si Jobert kumagat ng artistahing singgit. Matapos maupo ni Piolo... pisak ang baklitang lamok! hindi pala sya nagtransform sa pagiging surot. Mali nanaman ang chismaks ni Cristy tulad ng dati. Balitang balita sa sangkalamukan ang kabobohan ni Jobert ganun din sa buong lahi ng insekto. Kaliwat-kanan na batikos at panglalait ang natamo ng mga lamok. Laman sila ng pahayag tulad ng Tiktik, Remate, Abante, at maging Dividendazo.
"Tsk! tsk! tsk! sadyang maliit talaga ang utak ng mga lamok na 'to paniwalang paniwala kay Cristy eh ilan na ang kaso nun sa korte na libel" sabi ng isang pilosopong ipis sa isang column ng Tiktik.

Masakit ito para sa sangkalamukan, isa itong sampal sa kanilang lahi. Nagtipon-tipon ang mga lamok sa isang sikretong lugar ng Tondo at duon sila nagmeeting kung paano nila muli maibabangon ang kanilang lahi. At dahil sa dami ng attendance nung araw na yung wala silang mabuo at mapagkasunduan. Madaming idea na walang kabuluhan. Ideang hindi sapat upang makabawi sa pagkakalugmok ng kanilang lahi.

Naisipan ng isang batang lamok na si Deng-deng na simulan sa sarili nya ang pagbabagong nais makamtan.

"Ako mismo" sigaw nito sa sarili

ipagpapatuloy...

Tuesday, August 25, 2009

Insekto Bedtime Story

I
Nuong unang panahon, panahon pa ng hapon sa isang maduming lugar ng payatas kung saan nagtitipon ang ibat-ibang insekto. May isang grupo ng mga binatang insekto na naglalaro ng golf. Nang may dumaan na isang baklitang lamok na may long silky smooth hair at mukhang kabayo para magpapapansin (hindi ko alam paano ko ilalarawan ang lamok na mukhang kabayo pero yun na yun!), itago nalang natin sya sa panggalang Jobert. Si Jobert ay madalas magyabang tungkol sa mga taong kinakagat nya. Feeling nya maiimpress nya dito ang mga guys. Pero hindi. Ipinagyabang nya nung araw na yun na nakagat nya na raw si Barrack Obama at Gloria Arroyo na pawang malabong mangyari.

"Hoy baklitang lamok wag kang imbento!" sigaw ni Surita, ang baklang surot na kamukha ni Boy Abunda.
"Weh? Inggit ka lang" sagot ni Jobert
"Alam mo ba na kagabi eh kinagat ko singit ni Dingdong Dantes at Piolo Pascual?" dagdag ni surita sabay palo nito sa pwet.

"Ano ka ngayon" sigawan ng mga insektong nakakarinig sa kanilang awayan.

Walang maisagot si Jobert bagkus umuwi syang talunan at luhaan. Hindi nya nakabog ang kagandahan ni Surita. Mula noon hindi maalis sa isip nya ang sinabing pagkagat sa singit ng dalawa nyang pinapangarap na lalake. Paulit-ulit itong dumadalaw sa kanyang panaginip wariy naiingit sya...
Hanggang isang araw may narinig syang chismis mula sa kapitbahay nilang si Cristy na yung tae ng pusa na di pa sumasayad sa lupa ay may angking kakayahan upang makapag-transform sila sa kahit na anong klaseng insekto. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Jobert at dali daling hinunting ang mga pusang tumatae sa bubong.

ipagpapatuloy...

Sunday, August 23, 2009

Slumbook

Slumbook: Eto ang tactics ng mga babae kapag crush nila ang isang guy. Inaantay nilang sagutin ang tanong na "Who is your crush" feeling naman kasi nila name nila ang ilalagay duon.
Sobrang bihira ako sumagot ng Slumbook nuon, hindi ko nga alam kung bakit.. eh ang sabi naman ng nanay ang pogi ko daw. Siguro hindi lang nila ako type o sadyang di nila ma-appreciate ang kagwapuhan ko. Pero pwede rin dahilan ang lagi kong binababoy ang mga sagot kapag pinapasulat nila ako sa Slumbook.

*Sa mga klasmate ko dati na ilang beses pununit ang Slumbook na sinagutan ko... I am Sorry

Name: Christopher Tano
Nicks: Bhong, Chris, C2
Birthday: March 10 1983
Age: Compute mo nalang
Location: Malabon City
Likes: Madami
Dislikes: Madami din
Favorite time of day: Morning
What would u be as a veggie?: Talong (wag mo icompare huh)
What is your favorite book: Humpy Dumpy
School: Many to mention
Most hated subject: English
Anong brand ng bag mo: Bobcat
Anong brand ng tsinelas mo: Ramboo
Sinong artista nasa notebook mo?: Romnick Sarmienta and Sheryl Cruz
Cofee brewed or decaf?: 3 in 1
Favorite junkfood: Pompoms and Zebzeb
Favorite TV show: Batibot
Favorite color: Green
Favorite artist: Kuya bogie and ate shienna
Favorite sports: Basketball
Favorite magazine: Liwayway and Dividendazo(the sports magazine)favorite ko magbasa ng mga kabayo name
Favorite song: basta kanta ng the beatles
Favorite teacher: Mr(not sure) Bello
Who is your first kiss: Mother and Father
When was your first kiss: When i was born
Who is your Love: God and Parents
Who is your crush: Many to mention (kasama ka!)
What is crush: Crush means paghanga
What is love: Love is like a rosary that full of mystery
Motto in life: Time is Gold
Dedication: JAPAN Just Always Pray At Night

Friday, August 21, 2009

Mag bati tayo... bati-an portion

Dahil hindi naman ako artista para bumati sa TV eto ang naisip kong paraan para batiin ang mga mahal ko sa buhay. in 30 seconds lang...
timer starts now!

Hi sa mga ka-officemate ko sa Philippine Veterans Bank hindi na kayo makakapag Facebook sa oras ng trabaho promis.
Hello Nay, Tay, at sa nagiisa kong kapatid na si Cathy.
Hello sa mga classmate ko nung Elementary, Highschool at College.
Hello din sa mga kasama ko kanina sa photoshoot...Frameshots. Ang gagaling nyo!
Hello sa mga tambay sa lugar namin, dyan lang kayo ah
Hello din sa mga chismosang kapitbahay dyan lang din kayo bwiseeeeeet!
Binabati ko din si Rodel, Carl, Chris A., Erwin at Pervie sila yung kasama ko lagi maglunch. Yung softdrinks wag nyo kalimutan
Hello sa lahat ng mga kaibigan ko.
At sa nagbabasa nito Hello din sayo.

Time na po!

Monday, August 3, 2009

Bakit

Bakit ako sinalubong ng malakas na hangin na may pabugso-bugsong ulan kanina?
Bakit may nakangiting matabang lalake sa akin na feeling kilala nya ako, e diko naman sya kilala... at kahit anong restore ko ng memory di ko sya talaga kilala.
Bakit walang pila sa FX?
Bakit may nakasabay akong maganda sa FX?
Bakit may nakasabay silang pogi sa FX?
Bakit masyadong matrapik sa makati? -ganito kami lagi sa makati
Bakit lagi akong late? -tinatanong pa ba yan
Bakit sa buendia matinding ulan, sa makati maaraw?
Bakit abnormal na ang panahon? -tulad ko
Bakit umaaraw umuuulan? -rivermaya
Bakit 25years bago magreply ang bago kong dentist? -thanks at inantay nya ako kahit 730pm na
Bakit lowbat ang kakacharge ko palang na battery?
Bakit mabagal ang internet sa opisina? -saan ba ang problema
Bakit mali ang horoscope ko for the day?
Bakit ayaw magpatalo ni Mo Twister sa caller nya?
Bakit labis kitang mahal ang pinatutugtog ni chris acosta?
Bakit ngayon ka lang dumating ang sunod na kanta
Bakit ako nagpost ng blog ngayon? -kasi mabilis ang internet
Bakit elevator, paano na yung pababa... delevator
Bakit escalator, paano na yung pababa... descalator
Bakit building parin ang tawag kahit tapos na gawin ang building
Bakit ang initial reaction ng katabi kong babae kanina kapag nagugulat sya "Ay PUKE!" -ako naman "Saan?"
Bakit may nagtanong ng pinaka malupet na tanong "Bakit ako ginawa ng Diyos tapos parurusahan lang din sa dulo kapalit ng mga nagawa ko dito sa lupa eh unang una di ko naman hiniling sa kanya na gawin nya ako?"

Bakit nga ba?

Monday, May 18, 2009

Madalas ko syang makasabay sa LRT, malayo palang kitang-kita mo na sya dahil sa puti at kinis ng kutis nya, para syang glow in the dark. At dahil may girls at mens area ang LRT hindi ko sya nakakatabi hanggang tingin nalang ako. Pero di ko alam kung bakit ngayong araw ay nasa mens area sya, maaring sobrang dami ang tao sa girls area kaya lumipat sya dito, o dahil nakita nya ako (*wapak asa pa!) wala naman kasi syang kasamang lalake sya lang magisa -bakit sya nandito?.

Nilapitan ko sya... malapit na malapit at wow ang bango parang ayoko na umalis sa tabi nya. Parang nawala ang antok ko nung oras na yun. Sobrang ganda nya sa malapitan, mahaba ang kanyang buhok at maamo ang kanyang mga mata. Infatuation ba 'to o Love? ambilis naman kasi kung sasabihin kong inlove ako agad ng di ko pa sya nakakausap.Pero nung dumating na ang tren, nawala na sya bigla sa isip ko, handa na ko makipag tulakan at makipagsiksikan dahil malalate nanaman ako.

Dahil three times champion ako sa Trip to jerusalem nung elementary, mabilis ako nakaupo. "Sa wakas makakaidlip ako ng sandali" ang sabi ko sa sarili, pero nung nakita ko sya bigla akong napasalita ng "Miss dito kana" sabay pa-cute, hindi ko alam kung instinct ko ba yun o dahil sa kinain kong almusal. Bihira kasi ako magpaupo maliban nalang kung matanda at disabled. Maraming bagay ang hindi ko alam bakit ko ginagawa ngayon parang automatic ang lahat.

Biglang pumasok sa isip ko ang itsura ko, hindi ba ako mukhang antok? inaantok? may muta ba ang mata? Maayos ba ang buhok ko? nalimutan ko ba maglagay ng pabango o baka oily ang face ko?. Kaya kinuha ko ang panyo ko sa bulsa, at sa kasamaang palad nahulog ito. Mabilis kong dinampot, hindi ko alam na dinampot nya rin pala, ayun nagka-untugan kami. Pero imbes na masaktan, parehas kami nangiti at natawa. At dun na nagsimula ang makulay na mga oras ng buhay ko. Para akong nakasinghot ng katol. Panalo!

Draegon Keytol lahmowk seygoradohng tehypowk
- American cowboy na nagpupumilit managalog

***

Parehas kaming bumaba sa Gil Puyat station pero after nun di na kami nagkita dahil sa dami ng tao. At kahit anong lingon ko e di ko na talaga sya makita. Badtrip! di ko man lang pala natanong ang pangalan nya bwiseet! speechless o may daga sa dibdib ko? "Nextym nalang" yan ang nasa isip ko.

Ilang araw ko din syang tinityempuhang makasabay pero talagang mailap ang panahon, sadyang di ko na sya nakikita mula nung araw na yun. Hindi na ako umasa pa at tuluyan ko na syang kinalimutan na makita pa. Ang senti ko noh pero di totoo yan, ako pa! umaasa at patuloy na umaasa na magkikita pa kami hanggang isang araw nung late na ako umuwi galing trabaho muli ko syang nakasabay sa LRT at ang malufet pa nito katabi ko sya. Feeling ko hindi nya na ako matandaan kaya naman ginamit ko ang 'Para-paraan move'

Dagdag kaalaman:
Para-paraan move
= eto ang move na ginagamit kapag tingin mo hindi ka napapansin ng taong gusto mo mapansin ka. Simple lang gawin ito, magisip ka ng kung anong bagay na pwede mo itanong o gawin para mapansin ka. Ang mga taong gumagawa nito ay natatawag na 'Papampam'

***

Tinanong ko sya kung anong oras na, kahit may orasan ang cellphone ko. Nakangiti syang sumagot "alas-otso" lalo tuloy gumanda ang gabi ko nang makita ko syang ngumiti. "ahhmm... kaw ba yung nakasabay ko dati sa LRT na nakauntugan ko?" follow-up na banat yan. At sumagot "Ay, oo natatandaan mo pa yun?!" At dito na nagsimula ang matamis naming conversation...


Teka saan ba ang exit dito? na trap ako sa puso mo.


Mabilis ang tibok ng aking puso nung time na yun kaya kahit pagod na ako at toxic eh pilit parin ako nagpapacute. Ewan ko lang kung nahahalata nya yun. Hindi naman sya suplada, infact masaya syang kakwentuhan. Parang ayoko na nga huminto pa ang Tren kung pwede lang.
Sabay kaming bumaba ng Monumento Station at tinanong ko kung saan sya umuuuwi ang tanging sagot nya lang sa akin ay "Dito lang". At bigla syang nawala sa paningin ko. Pinilit kong hanapin sya pero sa sobrang dami ng taong naguunahang makalabas, hindi ko sya nakita, maaring natulak narin sya palabas at hinahanap din ako. Ang malas ko nga naman talaga sayang ang effort at para-paraan move. Tsk! Tsk! Pero di bale nakuha ko naman ang cellphone nya este cellphone number nya.

Mula nung araw na yun madalas ko na syang nakakatext. Umaga, hapon at gabi walang patid na kamustahan at send ng mga quotes at jokes. Kaya kahit hindi ko na sya nakakasabay sa Tren feeling ko katabi ko parin sya. Salamat sa nag imbento ng Cellphone.

Isang araw naisipan ko syang sabayan sa Tren at tinanong kung anong oras sya nanduon, mabilis naman syang pumayag na sabayan ko. Magkahalong saya at excited ang nararamdaman ko habang bumabyahe patungong LRT. At pagdating duon muli kong nakita ang kanyang kagandahan. Nakasinghot nanaman ako ng katol. This time hindi na sya makakawala sa paningin ko. Sinabi ko sakanya na nais ko syang ihatid sa kanilang bahay, pero tumanggi sya nung una. At dahil sa mapilit talaga ako... tatlo at apat na pagpupumilit, napilitan narin sya. Pagdating ng Monumento station sabay kaming bumaba siksikan nanaman ang eksena pero ang sabi ko nga di na sya makakawala pa sa paningin ko. Nagulat ako nang hinawakan nya ang kamay ko at mabilis na hinatak papalabas. Ang lambot ng kanyang kamay at ang bango amuy Ethyl alcohol (biro lang, pero promis ambango). Sa sobrang tuwa ko na magkahawak kami ng kamay hindi ko namalayan na naglalakad na pala kami sa lugar nila. Magaganda ang mga bahay at puno ng ilaw, para kang nasa Disneyland. Ilang minuto pa at narating na namin ang gate ng bahay nila. Napakalaki nito at pagpasok sa loob isang napakagandang bahay ang bumungad sa aking paningin. Medyo nahiya ako dahil ang yaman pala nila parang nakakahiyang tumapak sa loob ng bahay.

Bago kami pumasok sa loob ng bahay kinausap nya ako na wag daw ako kakain ng anuman kahit alukin pa ako. Medyo sumama ang tingin ko sa kanya, ano tingin nya sa akin patay gutom? well wishingwell sa 5 star hotel kaya ako nagaalmusal (joke lang). Pagpasok sa loob ng bahay agad kaming sinalubong ng magulang at mga kaibigan nya, pinakilala nya ako bilang bago nyang kaibigan. May kasiyahan pala sa loob ng bahay, parang JSProm nakabihis ng magagara ang lahat, nakakahiya talaga ang itsura ko, pero dibale sabi nga ng nanay ko "dibale nang madungis wag lang panget".

Sadali syang nagpaalam sa akin upang magpalit ng damit. At sa mga sandaling yun patuloy ako sa pagkamanghang sa mga nakikita ko. Malalaking chandelier at mamahaling mga gamit na sa pelikula ko lang nakikita. Mula sa hagdanan sandaling akong napatigil na napatulala, para syang isang anghel sa kanyang suot at feeling ko susunduin nya na ako patungong langit. Kung ganito lang ang susundo sa akin malamang wala nako ngayon. Isang lalake ang bumasag sa aking kahibangan, inalok nya ako ng makakain habang todo emote ako sa pagkakatitig sa kanya. Gusto ko gulpihin at pulbusin ang dibdib sa suntok ang lalakeng yun, pero nung makita ko, malaki pala sya at pumuputok ang maskels sa laki. Tiyak sasakit ang BRABABINTAWAN ko sa oras na gawin ko yun. Kaya kumuha nalang ako ng isang pirasong tinapay at tinikman ko, masarap parang krispy kreme, sumunod nito inalok nya naman ako ng alak. Tinikman ko ito pero hindi ko malasahan kaya muli akong kumuha, pero hindi parin.. tatlo, apat, lima wala talaga!

Mayamaya lumapit sya sa akin at tinanong kung kumain ba ako ng pagkain, muli bumalik sa aking alaala na hindi nga pala nya ako pinapakain ng anuman mula sa handa nila. "Nabigla lang ako" defensive kong sagot. Hinatak nya ako palabas habang ang lahat ay nakatingin sa akin ng masama at nanlilisik. Habang tumatakbo kami tinanong ko sya kung bakit. "Alam na nila na hindi ka namin kauri" may halong kaba ang kanyang pagsagot at ramdam ko yun sa mga higpit ng hawak nya. Paglingon ko sa likuran marami na ang humahabol sa amin, hindi ko maaninag sa sobrang dilim, pero tinitiyak ko na kamatayan kung sakaling maabutan nila ako. Madulas na malambot ang daan dahil sa mga nahulog na dahon at maulan na pahahon. Pagod nko kakatakbo pero patuloy parin kami at patuloy parin sila sa paghabol naririnig ko na malapit na malapit na sila sa akin. Mga ugol ng leon na gutom na gutom at sabik na sa muling pagkain. Nakarating kami sa isang lugar na medyo maliwanag at dito nya ako niyakap sabay nagpaalam at nagpasalamat sa mga masasayang sandali.Ganun din ako na halos ayoko na syang bitawan, pero tinulak nya ako dahil paparating na ang mga humahabol sa amin. Tumulo ang kanyang luha habang nagpapaalam hindi ko alam ang gagawin ko sa mga sandaling yun at patuloy na sinisisi ang sarili....


"Hoy! Gising na boy, Monumento na!" sabi ng isang security guard na malaki ang maskels. "Kanina ka pa nga namin ginigising ang sarap ng tulog mo!" dagdag ng friday cleaners sa LRT




======================================================
Question and Answer portion:

Question: Ano po ba ang pamagat?
Answer: Wala pa akong maisip na maganda sa ngayon, baka may masusuggest ka email mo lang sa orthochild@yahoo.com at kung sakaling ang entry mo ang maswerteng mapipili, ikaw ay maguuwi ng isang sakong rice na luto na.

Question: Ano po ang pangalan ng babae sa kwento nyo?
Answer: Bebang. Kaya lang di pa sya sikat malalaos na. Kaya di ko na nilagyan ng pangalan ang sagwa kasi.

Question: Inlab po ba kayo habang ginagawa nyo ang kwentong yan?
Answer: Hindi. Brokenhearted ako... Pakelam mo ba? chismosa ka!

Question: Gagawa ka pa ba ng isang maikling kwento matapos nito?
Answer: Hindi na, tama na yan!

Question: Can i get your number?
Answer: Bwiseeeeet!
======================================================

Isa ka dito: