Monday, May 18, 2009

Madalas ko syang makasabay sa LRT, malayo palang kitang-kita mo na sya dahil sa puti at kinis ng kutis nya, para syang glow in the dark. At dahil may girls at mens area ang LRT hindi ko sya nakakatabi hanggang tingin nalang ako. Pero di ko alam kung bakit ngayong araw ay nasa mens area sya, maaring sobrang dami ang tao sa girls area kaya lumipat sya dito, o dahil nakita nya ako (*wapak asa pa!) wala naman kasi syang kasamang lalake sya lang magisa -bakit sya nandito?.

Nilapitan ko sya... malapit na malapit at wow ang bango parang ayoko na umalis sa tabi nya. Parang nawala ang antok ko nung oras na yun. Sobrang ganda nya sa malapitan, mahaba ang kanyang buhok at maamo ang kanyang mga mata. Infatuation ba 'to o Love? ambilis naman kasi kung sasabihin kong inlove ako agad ng di ko pa sya nakakausap.Pero nung dumating na ang tren, nawala na sya bigla sa isip ko, handa na ko makipag tulakan at makipagsiksikan dahil malalate nanaman ako.

Dahil three times champion ako sa Trip to jerusalem nung elementary, mabilis ako nakaupo. "Sa wakas makakaidlip ako ng sandali" ang sabi ko sa sarili, pero nung nakita ko sya bigla akong napasalita ng "Miss dito kana" sabay pa-cute, hindi ko alam kung instinct ko ba yun o dahil sa kinain kong almusal. Bihira kasi ako magpaupo maliban nalang kung matanda at disabled. Maraming bagay ang hindi ko alam bakit ko ginagawa ngayon parang automatic ang lahat.

Biglang pumasok sa isip ko ang itsura ko, hindi ba ako mukhang antok? inaantok? may muta ba ang mata? Maayos ba ang buhok ko? nalimutan ko ba maglagay ng pabango o baka oily ang face ko?. Kaya kinuha ko ang panyo ko sa bulsa, at sa kasamaang palad nahulog ito. Mabilis kong dinampot, hindi ko alam na dinampot nya rin pala, ayun nagka-untugan kami. Pero imbes na masaktan, parehas kami nangiti at natawa. At dun na nagsimula ang makulay na mga oras ng buhay ko. Para akong nakasinghot ng katol. Panalo!

Draegon Keytol lahmowk seygoradohng tehypowk
- American cowboy na nagpupumilit managalog

***

Parehas kaming bumaba sa Gil Puyat station pero after nun di na kami nagkita dahil sa dami ng tao. At kahit anong lingon ko e di ko na talaga sya makita. Badtrip! di ko man lang pala natanong ang pangalan nya bwiseet! speechless o may daga sa dibdib ko? "Nextym nalang" yan ang nasa isip ko.

Ilang araw ko din syang tinityempuhang makasabay pero talagang mailap ang panahon, sadyang di ko na sya nakikita mula nung araw na yun. Hindi na ako umasa pa at tuluyan ko na syang kinalimutan na makita pa. Ang senti ko noh pero di totoo yan, ako pa! umaasa at patuloy na umaasa na magkikita pa kami hanggang isang araw nung late na ako umuwi galing trabaho muli ko syang nakasabay sa LRT at ang malufet pa nito katabi ko sya. Feeling ko hindi nya na ako matandaan kaya naman ginamit ko ang 'Para-paraan move'

Dagdag kaalaman:
Para-paraan move
= eto ang move na ginagamit kapag tingin mo hindi ka napapansin ng taong gusto mo mapansin ka. Simple lang gawin ito, magisip ka ng kung anong bagay na pwede mo itanong o gawin para mapansin ka. Ang mga taong gumagawa nito ay natatawag na 'Papampam'

***

Tinanong ko sya kung anong oras na, kahit may orasan ang cellphone ko. Nakangiti syang sumagot "alas-otso" lalo tuloy gumanda ang gabi ko nang makita ko syang ngumiti. "ahhmm... kaw ba yung nakasabay ko dati sa LRT na nakauntugan ko?" follow-up na banat yan. At sumagot "Ay, oo natatandaan mo pa yun?!" At dito na nagsimula ang matamis naming conversation...


Teka saan ba ang exit dito? na trap ako sa puso mo.


Mabilis ang tibok ng aking puso nung time na yun kaya kahit pagod na ako at toxic eh pilit parin ako nagpapacute. Ewan ko lang kung nahahalata nya yun. Hindi naman sya suplada, infact masaya syang kakwentuhan. Parang ayoko na nga huminto pa ang Tren kung pwede lang.
Sabay kaming bumaba ng Monumento Station at tinanong ko kung saan sya umuuuwi ang tanging sagot nya lang sa akin ay "Dito lang". At bigla syang nawala sa paningin ko. Pinilit kong hanapin sya pero sa sobrang dami ng taong naguunahang makalabas, hindi ko sya nakita, maaring natulak narin sya palabas at hinahanap din ako. Ang malas ko nga naman talaga sayang ang effort at para-paraan move. Tsk! Tsk! Pero di bale nakuha ko naman ang cellphone nya este cellphone number nya.

Mula nung araw na yun madalas ko na syang nakakatext. Umaga, hapon at gabi walang patid na kamustahan at send ng mga quotes at jokes. Kaya kahit hindi ko na sya nakakasabay sa Tren feeling ko katabi ko parin sya. Salamat sa nag imbento ng Cellphone.

Isang araw naisipan ko syang sabayan sa Tren at tinanong kung anong oras sya nanduon, mabilis naman syang pumayag na sabayan ko. Magkahalong saya at excited ang nararamdaman ko habang bumabyahe patungong LRT. At pagdating duon muli kong nakita ang kanyang kagandahan. Nakasinghot nanaman ako ng katol. This time hindi na sya makakawala sa paningin ko. Sinabi ko sakanya na nais ko syang ihatid sa kanilang bahay, pero tumanggi sya nung una. At dahil sa mapilit talaga ako... tatlo at apat na pagpupumilit, napilitan narin sya. Pagdating ng Monumento station sabay kaming bumaba siksikan nanaman ang eksena pero ang sabi ko nga di na sya makakawala pa sa paningin ko. Nagulat ako nang hinawakan nya ang kamay ko at mabilis na hinatak papalabas. Ang lambot ng kanyang kamay at ang bango amuy Ethyl alcohol (biro lang, pero promis ambango). Sa sobrang tuwa ko na magkahawak kami ng kamay hindi ko namalayan na naglalakad na pala kami sa lugar nila. Magaganda ang mga bahay at puno ng ilaw, para kang nasa Disneyland. Ilang minuto pa at narating na namin ang gate ng bahay nila. Napakalaki nito at pagpasok sa loob isang napakagandang bahay ang bumungad sa aking paningin. Medyo nahiya ako dahil ang yaman pala nila parang nakakahiyang tumapak sa loob ng bahay.

Bago kami pumasok sa loob ng bahay kinausap nya ako na wag daw ako kakain ng anuman kahit alukin pa ako. Medyo sumama ang tingin ko sa kanya, ano tingin nya sa akin patay gutom? well wishingwell sa 5 star hotel kaya ako nagaalmusal (joke lang). Pagpasok sa loob ng bahay agad kaming sinalubong ng magulang at mga kaibigan nya, pinakilala nya ako bilang bago nyang kaibigan. May kasiyahan pala sa loob ng bahay, parang JSProm nakabihis ng magagara ang lahat, nakakahiya talaga ang itsura ko, pero dibale sabi nga ng nanay ko "dibale nang madungis wag lang panget".

Sadali syang nagpaalam sa akin upang magpalit ng damit. At sa mga sandaling yun patuloy ako sa pagkamanghang sa mga nakikita ko. Malalaking chandelier at mamahaling mga gamit na sa pelikula ko lang nakikita. Mula sa hagdanan sandaling akong napatigil na napatulala, para syang isang anghel sa kanyang suot at feeling ko susunduin nya na ako patungong langit. Kung ganito lang ang susundo sa akin malamang wala nako ngayon. Isang lalake ang bumasag sa aking kahibangan, inalok nya ako ng makakain habang todo emote ako sa pagkakatitig sa kanya. Gusto ko gulpihin at pulbusin ang dibdib sa suntok ang lalakeng yun, pero nung makita ko, malaki pala sya at pumuputok ang maskels sa laki. Tiyak sasakit ang BRABABINTAWAN ko sa oras na gawin ko yun. Kaya kumuha nalang ako ng isang pirasong tinapay at tinikman ko, masarap parang krispy kreme, sumunod nito inalok nya naman ako ng alak. Tinikman ko ito pero hindi ko malasahan kaya muli akong kumuha, pero hindi parin.. tatlo, apat, lima wala talaga!

Mayamaya lumapit sya sa akin at tinanong kung kumain ba ako ng pagkain, muli bumalik sa aking alaala na hindi nga pala nya ako pinapakain ng anuman mula sa handa nila. "Nabigla lang ako" defensive kong sagot. Hinatak nya ako palabas habang ang lahat ay nakatingin sa akin ng masama at nanlilisik. Habang tumatakbo kami tinanong ko sya kung bakit. "Alam na nila na hindi ka namin kauri" may halong kaba ang kanyang pagsagot at ramdam ko yun sa mga higpit ng hawak nya. Paglingon ko sa likuran marami na ang humahabol sa amin, hindi ko maaninag sa sobrang dilim, pero tinitiyak ko na kamatayan kung sakaling maabutan nila ako. Madulas na malambot ang daan dahil sa mga nahulog na dahon at maulan na pahahon. Pagod nko kakatakbo pero patuloy parin kami at patuloy parin sila sa paghabol naririnig ko na malapit na malapit na sila sa akin. Mga ugol ng leon na gutom na gutom at sabik na sa muling pagkain. Nakarating kami sa isang lugar na medyo maliwanag at dito nya ako niyakap sabay nagpaalam at nagpasalamat sa mga masasayang sandali.Ganun din ako na halos ayoko na syang bitawan, pero tinulak nya ako dahil paparating na ang mga humahabol sa amin. Tumulo ang kanyang luha habang nagpapaalam hindi ko alam ang gagawin ko sa mga sandaling yun at patuloy na sinisisi ang sarili....


"Hoy! Gising na boy, Monumento na!" sabi ng isang security guard na malaki ang maskels. "Kanina ka pa nga namin ginigising ang sarap ng tulog mo!" dagdag ng friday cleaners sa LRT




======================================================
Question and Answer portion:

Question: Ano po ba ang pamagat?
Answer: Wala pa akong maisip na maganda sa ngayon, baka may masusuggest ka email mo lang sa orthochild@yahoo.com at kung sakaling ang entry mo ang maswerteng mapipili, ikaw ay maguuwi ng isang sakong rice na luto na.

Question: Ano po ang pangalan ng babae sa kwento nyo?
Answer: Bebang. Kaya lang di pa sya sikat malalaos na. Kaya di ko na nilagyan ng pangalan ang sagwa kasi.

Question: Inlab po ba kayo habang ginagawa nyo ang kwentong yan?
Answer: Hindi. Brokenhearted ako... Pakelam mo ba? chismosa ka!

Question: Gagawa ka pa ba ng isang maikling kwento matapos nito?
Answer: Hindi na, tama na yan!

Question: Can i get your number?
Answer: Bwiseeeeet!
======================================================

1 comment:

NHEL ARMSTRONG said...

nakakasabay ko kapatid ni bebang..hayaan mo at gagawan ko rin ng maikling kwento..araw araw ko rin nakaka sabay yun..kung si bebang maputi..yung kapatid nya morena..mabango din..sa LRT ko rin nakakasabay..di ko nga halos maidescribe yug ganda nya..wala akong masyadong detalye..siksikan kasi talaga sa LRT...ang lama ko lang taga monumento sya..bumababa sa GIL puyat..ako EDSA eh...tapos ng jejeep pa yan....patungong makati ave...pero pag uwia bihira ko makasabay alam mo na siksikan..pero di ako nawalan ng pag asa..umasa ako na muli syang makakasabay at ayun nga ang nangyari sumakay sya ng LRT siksikan pa rin..sa kagustuhang makasabay sya..tumakbo na lang ako along the RILES..ayun sabay kami...pahinto hinto ako..yan sige gagawin ko na yung maikling kwento ko..kagaya mo papa chris...

Isa ka dito: